𝗦𝗜𝗦𝗧𝗘𝗥𝗛𝗢𝗢𝗗 𝗔𝗚𝗥𝗘𝗘𝗠𝗘𝗡𝗧 𝗦𝗔 𝗣𝗔𝗚𝗜𝗧𝗔𝗡 𝗡𝗚 𝗕𝗔𝗧𝗔𝗔𝗡 𝗔𝗧 𝗟𝗨𝗡𝗚𝗦𝗢𝗗 𝗡𝗚 𝗦𝗔𝗡 𝗝𝗨𝗔𝗡

THE BUNKER, Bataan Marso 14, 2025 – Isang kasunduan ng sisterhood ang pormal na nilagdaan noong Biyernes sa pagitan ng Lungsod ng San Juan, Lalawigan ng Bataan, Lungsod ng Balanga, at Bayan ng Limay upang palakasin ang ugnayan at kooperasyon.

Pinangunahan ni Mayor Francis Zamora ng San Juan, kasama si Congresswoman Bel Zamora, si Governor Joet S. Garcia ng Bataan, Mayor Francis Garcia ng Balanga, at Mayor Richie Jason David ng Limay sa pagpapalitan ng mga resolusyon na magpapatibay sa kanilang kasunduan. Ang seremonya ay ginanap sa The Bunker, ang punong tanggapan ng pamahalaang panlalawigan ng Bataan.

Sa kanyang talumpati, ipinahayag ni Mayor Richie Jason David ng Limay ang kahalagahan ng kasunduan para sa mutual na pag-unlad ng kanilang bayan at ng mga lungsod at lalawigan ng San Juan at Bataan. Sinabi niyang, “Pinakamaunlad na bayan ang Limay, ngunit marami pa kaming gustong matutunan mula sa San Juan. Bagamat hindi kami isang lungsod, layunin naming maging isang highly-urbanized na bayan katulad ng San Juan. Isa itong malaking oportunidad para sa amin na matutunan ang mga best practices ng isang progresibong lungsod tulad ng San Juan.”

Binanggit din ni Mayor David na ang kasunduan ay magsisilbing tulay para mapabuti ang kanilang lokal na ekonomiya, mula sa turismo hanggang sa mga produktong lokal. “Gusto naming matutunan kung paano magtagumpay sa urbanisasyon, gayundin kung paano makikinabang ang mga lokal na produkto namin mula sa mga merkado tulad ng sa San Juan,” dagdag niya.

Nagpasalamat din si Mayor Francis Garcia ng Balanga kay Mayor Zamora at ipinahayag ang kagustuhang matuto mula sa mga karanasan ng ibang lokal na pamahalaan upang mapabuti pa ang kanilang lungsod.

Hinimok ni Mayor Zamora ang mga lider ng Bataan na itampok ang kanilang mga lokal na produkto sa Pasalubong Center ng San Juan at i-promote ang turismo ng Bataan sa pamamagitan ng mga hotel at magagandang beach nito.

Sa pagtatapos ng seremonya, naglagda sina Mayor Richie Jason David at Vice Mayor Sarah David, kasama ang mga Sanggunian ng Bayan at Tourism Chairperson Grace David, upang pormal na isara ang kasunduan at magsimula ng isang mas matibay na ugnayan sa pagitan ng mga nasabing lugar.

Leave your message