Enero 10, 2026, ipinagdiwang ang ika-269 Bataan Foundation Day sa People’s Center, Balanga City, Bataan. Ang pagdiriwang ay sinimulan sa isang banal na misa at sinundan ng State of the Province Address ni Governor Joet Garcia, kung saan inilahad niya ang mga nakamit na parangal ng Pamahalaang Panlalawigan at ang mga matagumpay na proyektong naisakatuparan sa buong nakaraang taon bilang patunay ng patuloy na pag-unlad ng Lalawigan ng Bataan. Binigyang-diin din sa nasabing talumpati ang mahahalagang usapin at programa ng lalawigan hinggil sa kalusugan, edukasyon, pangkabuhayan, at agrikultura.
Kasama rin sa mahalagang okasyong ito sina Vice Governor Chris Garcia, Cong. Gila Garcia at iba pang Opisyales ng Provincial Government of Bataan. Dinaluhan din ito ng mga kawani mula sa iba’t ibang panig ng lalawigan, kabilang ang mga opisyal ng mga Lokal na Pamahalaan sa buong Bataan at iba pang mga indibidwal. Nakibahagi mula sa Bayan ng Limay sina Mayor Richie Jason David, Vice Mayor Grace David, mga Konsehal ng Bayan, kasama ang ilang mga kawani ng lokal na pamahalaan, bilang pakikiisa sa makasaysayang pagdiriwang ng anibersaryo ng lalawigan.
Bilang bahagi ng selebrasyon, nagbigay-kulay at sigla ang mga street dancing mula sa iba’t ibang bayan ng lalawigan na ginanap sa kahabaan ng Capitol Drive suot ang kanilang makukulay na kasuotan na lalong nagbigay-buhay at kasiyahan sa 269th Bataan Foundation Day.




























