Ginanap po ang seremonya sa pagtataas ng bandila ngayong araw sa Limay Sports Complex, Brgy. Reformista, Limay, Bataan. Ngayong buwan ng Hulyo, ang ating bayan po ang napili ng Pamahalaang Panlalawigan at ang mga kabataan na kinabukasan ng ating bayan at lalawigan naman po ang sentro ng programang bisita bayan kada buwan.
Ilan po sa mga tinalakay natin ay ang mga mahahalagang programa gaya ng Teen Information Center, Tobacco-Free Generation, Mental Health Awareness, Sports and Active Lifestyle, at Iskolar ng Bataan.
Layon po ng programa na siguruhin ang kanilang magandang kinabukasan at bigyan sila nang mas maraming oportunidad tungo sa katuparan ng kanilang mga pangarap sa buhay.
Nagkaroon din po ng pagkakataon na magkaroon ng talakayan sa pagitan ng Sangguniang Kabataan ng Limay at Iskolar ng Bataan kay Governor Joet Garcia upang bigyang linaw ang mga katanungan at pakinggan ang kanilang mga pangangailangan at mungkahi.
Kasabay po ng programa ay ang paggawad ng parangal sa mga atletang mag-aaral mula sa ating lalawigan na lumahok sa Palarong Pambansa at na-uwi ng karangalan sa ating lalawigan.
Bukod pa po dito, sa harap ng mga opisyales ng lalawigan at mga mamamayan ng Limay, nagbigay-ulat si Mayor Richie Jason David kaugnay sa mga tagumpay at inisyatiba ng kanyang administrasyon, gayundin ang mga plano at proyekto na nakatuon sa patuloy na pag-unlad ng bayan. Mula sa mga programa sa edukasyon, kalusugan, kabuhayan, at imprastraktura, ipinakita ng alkalde ang direksyon ng kanyang pamumuno tungo sa isang mas progresibong Limay.
Nakasama po sa programa sina Governor Joet Garcia, Vice Gov. Cris Garcia, Mayor Richie Jason David, Vice Mayor Grace David,SK Federation President AJ Joaquin at SK Federation Limay, SP at SB Members, DEPED Bataan SDS Carolina Violeta, mga kinatawan mula sa HPB, POPCOM, PSWDO, BYDO, gayundin ang mga opisyal at kawani ng yunit pamahalaang lokal at mga punong barangay.












































