Kahapon, ika-13 ng Nobyembre 2025, muling nagtipon ang mga Punong Bayan ng Lalawigan ng Bataan para sa pagpupulong ng League of Municipalities of the Philippines (LMP) – Bataan Chapter. Dumalo rin sa pagtitipon sina Governor Joet Garcia, Congressman Jett Nisay, Judge Juliet Salaria, Judge Philger Noel Inovejas, at Atty. Rosario Gaspar, na nagpahayag ng kanilang buong suporta sa mga proyekto at programang isinusulong ng bawat bayan sa lalawigan.
Pinangunahan ng Pamahalaang Bayan ng Limay, sa pamumuno ni Mayor Richie David, katuwang si Vice Mayor Grace David at ang mga Konsehal ng Bayan, ang matagumpay na pagdaraos ng nasabing pagtitipon.
Layunin ng pagpupulong na pagtibayin ang mga hakbang at programang magpapatuloy sa pagsulong ng kaunlaran at mas inklusibong progreso para sa bawat bayan ng Bataan. Sa naturang pagtitipon, binigyang-diin at kinilala rin ang mga karangalang natamo ng iba’t ibang barangay sa mga programang Husay Barangay at Seal of Healthy Barangay.
Dinaluhan din ng mga kinatawan mula sa United Architects of the Philippines (UAP) at tinalakay nila ang pagpapatupad ng mga requirement para sa architectural permit bilang bahagi ng pag-isyu ng mga building permit, alinsunod sa National Building Code of the Philippines (PD 1096). Gayundin ang pagtitiyak ng pagsunod sa pambansang batas ukol sa gusali at kaligtasan, pati na rin sa mga lokal na ordinansa na isang mahalagang bahagi ng ligtas at maayos na pagpapaunlad ng mga proyekto sa buong Bataan.
Nakasama rin natin ang GCash bilang katuwang sa pagsusulong ng mga makabagong proyekto at inisyatiba para sa lalawigan.
Ginanap naman noong hapon ang regular na meeting ng Peace and Order Council ng probinsya na pinangunahan ni Governor Joet Garcia kasama si Vice Gov. Cris Garcia. Dinaluhan ito ng mga kinatawan mula sa PNP, PDEA, Army, MBDA, DILG, at DepEd upang talakayin ang mga kasalukuyang isyu at programa para sa kapayapaan at kaayusan sa lalawigan.
Sa pagkakaisa ng bawat bayan, patuloy nating itinataguyod ang isang Bataan na maunlad, masigla, at tunay na nagkakaisa.












































